Artikulo

Saturday, December 31, 2005

Ang Isip na Gumagamot at ang AIDS


ANG ISIP NA GUMAGAMOT AT ANG AIDS
(The Healing Mind and AIDS)
_________________________________________________________



Ni: Maria Gwen Reyes
Isinalin sa Tagalog ni: Allan Osmil, 1992

Si Ernie Siegel, M.D., patnugot at presidente ng American Holistic Medical Association ay naniniwala na ang tao ay may tinatawag na “Live Mechanism” at “Die Mechanism” sa kanyang sarili (sariling mekanismo para manghina o gumaling at lumakas kung gugustuhin niya).

Ang mga medikal na mananaliksik at ang sarili niyang mga klinikal na karanasan sa pang-araw-araw ang kumumbinsi sa kanya sa kung ano ang sinasabi ng mga psychiatrists at teologo (theologians) : NA ANG KONDISYON NG ISIP AY NAKAKAAPEKTO O NAKAPAGBABAGO NG KONDISYON NG KATAWAN.

Ayon kay Dr. Sigel, ang katiwasayan ng isip ay nagpapadala sa katawan ng mensahe para “mabuhay” samantalang ang depresyon, takot, negatibong pananaw at suliranin ay naghahatid naman sa katawan ng mensahe para “mamatay.” Ang mga mensaheng ito ay naipapadala sa pamamagitan ng central nervous system, endocrine system at immune system. “Sa gayong paraan, ang lahat ng proseso ng paggaling ay maka-agham,” ani Dr. Siegel sa kanyang best-selling book na Love, Medicine and Miracles. “Kahit na ang agham ay hindi lubos na maipaliwanag ang mga hindi inaasahang milagrong ito,” dugtong pa niya.

Nagpatuloy siya sa pagsabi na ang mga eksepsiyonal na pasyente ay nagpapamalas ng hangarin na mabuhay sa pinakamabisang paraan. “Isinasa-sariling-bahala nila ang kanilang buhay na kahit noon ay hindi nila nasubukan at ginagawa ang lahat ng kanilang makakaya para muling maabot ang mabuting kalusugan at katiwasayan ng isipan.

Naipamalas ito sa pamamagitan ng inobatibong pamamaraan ng pakikipag-ugnayan sa mga biktima ng kanser na ipinormola ni Dr. Carl Simonton at ng kanyang asawang si Stephanie. Ang Simonton’s ay kumbinasyon ng normal o standard na pamamaraan ng paggamot sa kanser (katulad ng radiation therapy at chemotherapy) at PSYCHOTHERAPY. Ang naging karaniwang tagumpay ng paggaling sa Simonton’s ay halos dalawa at kalahating ulit kumpara sa mga pasyente na sumailalim lamang sa standard na pamamaraan ng paggamot (radiation at chemotherapy lamang). Sampung porsiyento ang nabuhay nang higit na matagal kaysa sa pinaniniwalaan at inaasahang limang taon lamang. Karaniwan, ang mga pasyenteng ito ay may mataas na motibasyon (highly motivated), nakarating sa iba’t ibang sulok para lumahok sa programa at nagbuhos ng maraming enerhiya para dito.

Gayon pa man, naniniwala si Dr. Siegel na ang sampung porsiyento itinaas sa Simonton’s sa siguraduhang paggaling (na pinaniniwalaang mataas na) ay maari pang maging mas mataas --- kung ang programang ispiritwal at iba pang therapy programs ay mailalaan sa iba pang mga biktima ng kanser.

Ang isa pang interesanteng posibilidad ay magiging matagumpay din ang paraang ito sa iba pang “incurable” o walang lunas na sakit gaya ng AIDS.

Magagawa nito. At ito ang naging kaso ni William Calderon, ang unang dokumentadong kaso na gumaling mula sa sakit na AIDS. Sinabihan na siya ng mga duktor na anim na buwan na lamang ang ilalagi niya. Nagugulumihanan, si Calderon ay naging matamlay, at halos kaalinsunod ay nagkaroon siya KAPOSIS CARCINOMA, ang klase ng kanser na karaniwang dumadapo sa may sakit na AIDS. Kumalat ito hanggang sa kanyang gastrointestinal tract.

Halos nasa ganitong sitwasyon nang mabalitaan ni Calderon ang tungkol sa Simonton’s mula sa isa ring pasyente, at sumailalim siya rito hindi bilang isang biktima ng AIDS kundi ng kanser. Ang programa ay naging tipikal na parte ng kanyang mga gawain na nakapagpabago sa kanya.

Ang aspetong PSYCHOTHERAPY ng Simonton’s tulad ng mga heswitang pari na sina Matthew at Dennis Linn ay nag-uugnay sa pagtulong sa mga pasyente sa pamamagitan ng limang krusyal na estado: Ang DENIAL (pagtanggi sa sakit), ANGER (galit), BARGAINING (pakikipagtawaran; halimbawa: “Lord bakit ako?), DEPRESSION (depresyon) at ACCEPTANCE (pagtanggap).

Ang lungkot, takot, galit at pagkakasala ay naipatutungo sa matalas na konsentrasyon dahil ang apat na ito ang ugat ng lahat ng posibleng nakasisirang emosyon gaya ng matinding sama ng loob at depresyon. Ito ang mga pakiramdam na nagdadala ng “die messages” sa central nervous system upang ang tao ay lalong manghina at tuluyang tanggapin ng katawan ang iba’t ibang manipestasyon ng karamdaman. Sa epekto, ang Simonton’s at ang Linn’s ay nagbibigay sa mga pasyente ng bagong pananaw sa “wala nang pag-asa” nilang sitwasyon nang sa gayon ay mabigyan sila ng bagong motivation para mabuhay. At paanong ang biktima ng AIDS na si Calderon ay nagresponde sa muling pagprograma ng kanyang isipan…?

“Si Calderon ay naniwalang gagaling sa sarili niyang kagustuhan sa dikta ng kanyang isipan,” ani Dr. Siegel. “…tinanggihan niya na magpatalo sa kanyang sakit. Sa halip ay nag-umpisa siyang magnilay gamit ang mental niyang kakayahan na labanan ito. Nagsikap siyang ibalik ang normal na pakikisalamuha sa pamilya at maabot ang katiwasayan ng isipan sa pamamagitan ng pagpapatawad sa mga nagkasala sa kanya. Minahal niya ang sarili sa pamamagitan ng ehersisyo, magandang nutrisyon at bitamina. Sa ganoong punto ay nagpadala ang kanyang isipan ng live messages sa kanyang katawan. Gumandang muli ang takbo ng kanyang immune system at ang kanyang tumor ay unti-unting lumiit. Dalawang taon pagkatapos na ideklara ang kayang karamdaman, si Calderon ay nagpakita ng walang sintomas ng AIDS.”

Si Dr. Siegel ay kumbinsido na ang sikreto sa mabuting kalusugan ay hindi lamang nakasalalay sa kakayahan ng mga duktor, gayong ito ay napaka-importante. Nakasalalay ito sa tao na rin mismo, lalo’t higit sa dikta ng kanyang isip.

“Sa loob natin ay mayroong liwanag,” sabi niya. “Tawagin ninyo itong Divine spark kung gusto ninyo, pero naroon talaga ito upang umilaw sa daan ng ating kalusugan.”

Sa huli, naniniwala si Dr. Siegel na WALANG SAKIT NA HINDI NAGAGAMOT kundi TAONG HINDI NAGAGAMOT.



REAKSIYON

Ni: Allan S. Osmil


“ANG ISIP AY LAHAT-LAHAT”

Marami pa rin sa atin ang hindi nakakaalam o sadyang nagbibingi-bingihan sa kung ano talaga ang kakayahan ng ating isipan. Ang positibong pananaw ng isang tao ay sadyang napakahalaga na nagrereplika ito hindi lamang sa pisikal na kabuuan kundi maging sa pangkalahatang personalidad. Sabi nga ni Og Mandino, ang may-akda ng maraming inspirational novels katulad ng A Better Way to Live at The Gift of Acabar, “All that we are is the result of what we have thought. The mind is everything. What you think, you become.”

Binibigyang-diin niya dito ang kapangyarihan ng isip na dominahin ang kung ano ang naipapakita ng katawan at pangkalahatang katauhan. Ang isip ay lahat-lahat! Ang isip ang nagdidikta kung kailan ilalabas ang ihi mula sa loob ng bladder sa pamamagitan ng mensaheng ipinadadala ng urinary system. Ang isip ang nagsasabi kung kailan mo kailangang matulog sa pamamagitan ng sensation na ipinadadala ng antok. Ang isip ang nagdidikta kung ano ang mamumutawi sa iyong bibig. Ang isip at hindi ang tiyan ang nagsasabi kung kailan ka nagugutom. Ang isip din ang nagpoproseso ng pisikal na sakit (gaya ng sugat) at hindi nakapagtatakang makontrol ito kung gagawin lamang.

Sa ospital, ang mga pasyenteng may nadaramang matinding sakit ay tinuturukan ng pain killer. Mayroong iba na kahit sapat na ang naibigay ay patuloy pa rin sa pag-angal at pamimilipit. Upang maiwasan ang over-dosage o pagiging dependent sa gamot, ang pasyente sa halip ay binibigyan ng PLACEBO. Aakalain niya na ito rin ang regular na gamot na itinuturok sa kanya ngunit ang katotohan ay wala itong epekto (water for injection lamang). Pagkatapos ay karaniwang nang sasabihin ng pasyente na naginhawaan na siya. Ngunit bakit nawala ang sakit? Dahil inisip niya na totoong gamot ang ibinigay sa kanya at naroon ang paniniwalang idinikta ng isip na ang nararamdamang sakit ay mawawala. Ito rin ang LIVE MESSAGE na tinutukoy ni Dr. Siegel sa kanyang libro.

Sa ospital pa rin, ang pasyenteng nilalagnat o may nadarama pa ring masakit sa kabila ng naibigay na gamot ay binibigyan sa halip ng “diversional activities.” Pinanonood ng television, pakikipagkwentuhan o pakikipaglaro sa bantay (gaya ng Pictionary o Millionaire’s Game, etc.) na ikasasaya niya. Sa proseso ay dokumentadong naida-divert ng pasyente ang nadaramang sakit sa paglalaro o pagtuon ng concentration sa pinapanood. Hindi na niya mamalayan na may masakit pala sa kanya hanggang sa tuluyan na ngang mawala. Bakit? Dahil muli sa LIVE MESSAGE. Napapalitan ng sigla at kasiyahan ang takot at pangamba na nadarama niya na siyang mga pangunahing dahilan upang maituon niya ang pansin sa sakit at manatili ito. Ang emosyong iyon ang tinutukoy na DIE MESSAGE, muli ni Dr. Siegel.

Bihira, ngunit sa surgical operation, ang pasyenteng allergic sa anesthesia ay sumasailalim sa tinatawag na HYPNOSIS kapalit nito. At ang hypnosis ay hindi ginagamitan ng ano mang gamot upang hindi maramdaman ng pasyente ang sakit habang inoopera. At ano ang pinagagana rito? Ang isip!

Kaugnay nito, bakit marami rin sa ating mga kababayan ang gumagaling sa albularyo sa pamamagitan lamang ng pag-ihip at pagpahid ng langis? Ito ay walang ikinaiba sa unang tinukoy na PLACEBO sa mga ospital. Naniniwala ang mga nagtutungo sa albularyo sa tila kapangyarihan nito na makapanggamot. Ang hindi nila alam, ang paniniwalang ito ang siyang nagpapalabas ng kanilang LIVE MESSAGES upang dalhin ito sa utak --- tataas ang paniniwala na gagaling dahil sa ihip ng albularyo at madodomina ang pangamba --- mababawasan ang DIE MESSAGES. Doon lumilitaw ang tinatawag ng mga psychologists na SELF-HEALING POWER. Ang self-healing power na ito ay yaon ding mga LIVE MESSAGES na ikaw mismo ang gumagawa. Gagaling ka hindi dahil sa kapangyarihan (daw) ng albularyo kundi sa kapangyarihan ng isip mo.

Ayon din sa pag-aaral, 70% ng mga krusyal na pasyente na sumailalim sa religious activity at spiritual growth program ay nakaka-recover kumpara sa 30% na sumailalim lamang sa standard na pamamaraan ng paggamot. Maaaring ngayon ay alam na ninyo kung bakit…

Base na rin sa sarili kong obserbasyon at karanasan, ang kapangyarihan ng isip ay napapatunayan hindi lamang sa tao kundi maging sa mababang uri ng hayop. Kailan lamang ay may nakapasok na bubwit sa loob ng aming bahay. Hindi ko ito tinantanan at ilang minuto rin kaming naghabulan. Ang bubwit ay maliksing kumilos ngunit hindi ito makalayo dahil napunta sa “dead-end” at todo-bantay ang aking ginawa. Humanap ako ng paraan para lalo pa itong mapunta sa pinaka-sulok at lumiit ang espasyo na kanyang ginagalawan. Kitang-kita ang takot sa kaanyuan ng maliit na daga. Nang “malaman” nito na hindi na siya makakawala, bigla na lamang itong humandusay at hindi na kumilos. Ni hindi ko ito sinaktan o dinampian man lang. Ngunit ano ang pumatay dito? Takot? At ano ang kumukontrol sa takot? Hindi ba ang isip?

Ang kapangyarihan ng isip at proseso ng paggaling ay laging magkasama. Halimbawa, punahin ang dalawang tao na parehong nilalagnat (common fever). Ang isang laging umiinom ng gamot ngunit lagi naming nakahiga ay mas mabagal ang paggaling kumpara sa isa na kahit walang ano mang iniinom ay pinananatili ang normal na gawain at pakikisalamuha. Bakit gano’n?

Ang common fever, katulad ng sipon ay self-limiting. Kung sipon lamang o lagnat ay kusa itong mawawala sa loob lamang ng ilang araw. Ang taong laging nakahiga kapag nilalagnat ay nangangahulugang “dinidibdib” niya ang karamdaman at nagkakaroon ng pagkakataon ang DIE MESSAGES na mamayani. Sa siyentipikong eksplanasyon, kapag nakahiga lamang o matamlay ang isang tao ay bumabagal ang metabolism. Bumabagal ang tibok ng puso at daloy ng dugo sa katawan kaya bumabagal din ang proseso ng paggaling.

Marami pa rin sa atin ang tila espinghe kapag nagkakasakit na nagpapakita sa kahinaan ng motivation at kapangyarihan ng isip. Natural na sipon lamang o lagnat ay tila pasan na ang mundo. Kung ang AIDS nga na pinaniniwalaang walang lunas ay gumaling sa tulong ng positibong pananaw, ano pa kaya ang mga ito?

Sa huling dako ay sumasang-ayon ako sa sinabi ni Dr. Siegel: WALANG SAKIT NA HINDI NAGAGAMOT. TAO LAMANG AY SIYANG HINDI NAGAGAMOT.
Isa ba kayo sa mga ito?



/1992

0 Comments:

Post a Comment

<< Home